CAMARINES NORTE – Pinalawig ng Regional Trial Court Branch 39 ang inisyung Temporary Restraining Order (TRO) pabor sa mga petitioner na sina Capalonga Vice Mayor Juan Enero at pitong miyembro ng Sangguniang Bayan laban sa mga respondent na Sangguniang Panlalawigan, Governor Edgardo Tallado at Punong Barangay Arlene Conmigo
Sa apat na pahinang kautusan na pirmado ni Judge Winston Racoma na may petsang September 6, 2021, pinalawig nito ng karagdagang 17 araw ang 72 hours na inisyung TRO noong September 3.
Ayon sa korte mayroong “sufficient ground” na palawigin ang TRO batay sa mga iprinsentang petisyon, affidavit at evidentiary documents ng mga petitioner.
Kaugnay nito ay pinatitigil ng korte sa mga respondent ang implementasyon ng preventive suspension laban sa mga petitioner nang hindi lalagpas sa dalawampung araw kasama na ang 72 hour na TRO mula nang matanggap ang kautusang ito.
Itinakda ng korte ang hearing sa Lunes, September 13 sa ganap na alas 8:30 ng umaga.




Inaatasan din ang mga respondents na magpaliwanag kung bakit hindi dapat mag isyu ng Preliminary Injunction ang korte.
Matatandaan na sa botong 7- 3 ay nagpasya ang mga miyembro ng SP noong Agosto 24 na patawan ng 60- day preventive suspension sina VM Enero at ang walong miyembro ng SB Capalonga na kinabibilangan nina Councilors, Fatima Regine Navarro, Cony Olin, Renato Aler, Abraham Juego, Ramil Ravis, Remegio Barbo, Felix Oliva at Joshua Florante.
Agosto 27 nang magplabas naman ng Notice of Preventive Suspension si Gov. Tallado.
Nag- ugat ang suspensyon, makaraang sampahan ng kasong administratibo ni Punong Barangay Conmigo ng Camagsaan ang mga nabanggit na opisyal ng SB Capalonga dahil umano sa Grave Abuse of Authority.