Nagkaroon umano ng mechanical defect ang tricycle na nabangga ng isang SUV na nagresulta sa pagkasawi ng tsuper at pagkasugat ng pasahero nito sa kahabaan ng national highway na sakop ng barangay Harana, Luna, Isabela.
Magugunitang nasawi ang tsuper ng tricycle na si Melvin Jay Torres, 30 anyos, may asawa at ang pasahero nito na kinilalang si Raven Alcantara, 16-anyos na kapwa residente ng Malvar, Santiago City.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLT. Pedro Bunagan, deputy chief of police ng PNP Luna, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na overloaded ang tricycle na may mga kargang wood tiles, damit at bakal kung kaya’t bumigay ang side car nito.
Dahil dito ay hindi na umano nakontrol ni Torres ang manibela at aksidenteng napunta sa kabilang linya dahilan upang mabangga ng kasalubong na SUV.
Dead on arrival sa pagamutan ang sugatang si Torres habang kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas ang pasahero nito na si Alcantara.
Samantala, ayon pa kay PLt. Bunagan, nagkaroon na umano ng inisyal na pag-uusap ang dalawang panig at payag namang makipag-areglo ang pamilya ng mga biktima.
Muli namang nagpaalala ang kapulisan sa mga tsuper na maging maingat sa pagmamaneho at tiyaking nasa tamang kondisyon ang mga sasakyan upang maiwasan ang aksidente sa lansangan.
Photo/ Luna MPS