SORSOGON CITY – Narekober ng mga awtoridad sa dalawang suspek ang baril at iligal na droga sa magkahiwalay na operasyon at lugar sa Sorsogon.
Unang naaresto sa Purok Tumol, Brgy Cabid-an sa lungsod ng Sorsogon si Bonjovi Calleja Malazarte, 26-anyos, binata at naninirahan sa nasabing barangay.
Ayon sa police report, nakatanggap umano ang himpilan ng Pulisya ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na aali-aligid sa nasabing barangay at may sukbit sa baywang na baril.
Agad na rumesponde sa nasabing lugar ang personahe ng Sorsogon City Police katuwang ang 504th Maneuver Company ng Regl Mobile Force Battalion 5 at naaresto naman agad ang suspek.
Narekober dito ang isang kalibhre 38 na revolver na kargado ng tatlong bala at tatlong pirasong sachet na may lamang hinihinalang shabu.
Nabatid na si Malazarte ay bagong miyembro ng ‘Jetajobe criminal gang.’
Samantala, sa bayan ng Pilar ay naaresto rin ang notoryus at kasapi ng ‘Quilana Robbery/Hold-up Gang’ na si Rodel Quilana Lonceras, 30-anyos, binata, construction worker at residente ng Purok 4, Brgy Lungib ng nabanggit na bayan.

Batay sa ulat, habang nagsasagawa ng intelligence monitoring ang Pilar Police ay natiyempuhan ng mga ito ang suspek na may sukbit na baril.
Sa isinagawang body search ay narekober dito ang isang kalibre 38 na revolver na kargado ng apat na bala, dalawang sachet na may lamang hinihinalang shabu at isang folded knife. Ang dalawang suspek ay mahaharap sa kaukulang asunto.
PHOTOS exclusive for Brigada News FM-Sorsogon
