Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pansamantalang pagsuspende sa inbound international flights mula sa South Africa, Botswana, at iba pang mga bansa na may local cases o may kahalintulad na pangyayari sa B.1.1.529 variant.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang ban ay “effective immediately” na magtatagal hanggang sa December 15.
Dagdag ni Nograles, inatasan na ang Bureau of Quarantine na hanapin ang mga travelers mula sa mga nabanggit na lugar, na dumating sa bansa sa nakalipas na pitong araw, bago ang temporary suspension ng inbound travel.

Kaugnay nito, ang naturang mga travelers ay kailangang sumailalim sa full 14-day facility-based quarantine na may RT-PCR test sa pang-ikapitong araw, mula nang mahanap ang pasahero.
Maliban dito, aprubado rin ng IATF ang temporary suspension sa inbound international flights mula Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique, na katabi lang ng South Africa at Botswana.