Naniniwala si incoming DSWD secretary Erwin Tulfo na mas mapadadali na ang pagsasabatas ng mga panukalang may kinalaman sa social welfare ng mga Pilipino.
Sa ngayon kasi, mayroong tatlong Tulfo ang nanalo sa nagdaang eleksyon at papasok sa Kongreso.
Kabilang na rito ang kanyang kapatid na si Raffy Tulfo na nanalo sa pagka-senador; anak ni Raffy na si Ralph Tulfo bilang Representative ng ikalawang Distrito sa Quezon City; pati na rin ang sister-in-law nito na si Jocelyn Tulfo, 1st nominee ng ACT-CIS party-list.
Kabilang aniya sa mga batas na kailangang maisulong sa susunod na Kongreso ay ang pagkakaroon ng P500 hanggang P1,000 na ayuda para sa mga PWDs.
‘Secretary on the Ground’
Ganito inilarawan ni incoming DSWD secretary Erwin Tulfo ang kanyang magiging trabaho sa papasok na administrasyon.
Ayon kay Tulfo, sisikapin niyang maging isang kalihim na madaling malapitan, at mayakap ng mga tao.
Ilalatag din ng incoming secretary ang isang quick response team para kaagad na maaksyunan ang pangangailangan ng ating mga kababayang mangangailangan ng ayuda kagaya na lamang ng mga hahagupitin ng masasamang panahon.
Samantala, tiniyak din ni Tulfo na madali siyang matatawagan ng mga media.
Matatandaan kasing binatikos niya noon si DSWD Secretary Rolly Bautista dahil hindi niya ito ma-contact sa kanyang radio show.
Sa ngayon aniya, nagkabati na sila at inaasahang magkakaroon ng meeting para talakayin ang transition.
#