Patay ang tatlong miyembro ng makakaliwang grupo matapos ang engkwentro sa Tuy, Batangas.
Ayon kay Philippine Army 2nd Infantry division Public Affairs Office Chief Lt. Co. Jeffrex Molina, nagsasagawa ng security operations sa Barangay Acle, ang tropa 59th Infantry Battalion nang bigla na lamang silang paputukan ng mga miyembro ng communist terrorist group o CTG-Southern Tagalog, na nagresulta sa sampung minutong sagupaan nitong Linggo.
Ilang sandali lamang ang lumipas, muling nagkaroon ng bakbakan sa kalapit na barangay ng Bolboc, matapos tugisin ng tropa ang papatakas na mga teroristang komunista.
Sa engkwentrong ito, napatay ng militar ang 2 lalake at isang babaeng miyembro ng CTG habang wala namang naitalang casualty sa panig ng gobyerno.
Narekober din ng tropa sa lugar ang isang M16, isang Uzi rifle, isang R4 rifle, at improvised hand grenade.
Samantala, hinimok ng militar ang nalalabing miymbro ng CTG na sumuko na at tanggapin ang alok ng gobyermo na mapabilang sa E-CLIP o ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program na may layuning tulungan ang mga surrenderee na makapagsimula ng panibagong buhay.