Patay ang tatlong bata matapos malunod nang maligo ang mga ito kahapon, ika-pito ng Hulyo sa Chico River na bahagi ng Junction, Pinukpuk, Kalinga.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagtungo sa ilog ang tatlong biktima kasama ang dalawang iba pa upang mag-swimming nang hindi alam ng kanilang mga magulang.
Ang mga biktima ay dalawang siyam na taong gulang at isang anim na taong gulang na pawang mga residente ng San Juan, Tabuk City at nagtungo sa Junction, Pinukpuk para dumalo sa isang palanus o pre-wedding celebration.
Habang nag-eenjoy ang limang bata sa paglalangoy ay napansin ng 16-anyos na nalulunod na ang isang siyam na taong gulang na kasama nila sa ilog na may lalim na limang talampakan kaya’t agad niya itong pinuntahan.
Subalit hindi nito alam na sinundan siya ng dalawa pang bata upang tumulong sana sa pag-rescue ngunit maging sila ay nalunod din.
Tumawag naman ng tulong ang isa pa nilang kasamahan hanggang sa dumating na ang kapulisan at agad na idinala sa Pinukpuk District Hospital ang tatlong bata na nalunod subalit idineklara na silang dead-on-aarival ng doctor.