Arestado ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ang 3 indibidwal na gumagamit ng pangalan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil para makapanloko.
Ayon kay CIDG Director PMGen. Leo Franciso na naaresto ang 3 suspek sa General Santos City kagabi.
Dalawa sa mga suspek ay galing pa sa Pasig at 1 naman ay galing pa sa Batangas.
Umaabot umano sa 2.5 Million pesos ang nakukulimbat ng mga suspek depende sa panloloko.
Paliwanag ni Franciso, maliban kay PNP Chief, maging ang kanyang pangalan at iba pang government officials ay ginagamit din ng mga suspek para makakuha ng pera sa illegal gambling.
Posible rin umano na nakapanloko na ang mga suspek sa labas ng Mindanao at posibleng umabot pa sa Metro Manila.
Inaalam pa kung paano nakapunta sa General Santos City ang 3 pero sinabi ng CIDG na posibleng matagal na nanloloko ang mga suspek.
Nahaharap na sa kaukulang reklamo ang mga suspek.