CAMARINES NORTE- Umabot na rin sa labas ng ospital ang mga tarpaulin na nagpapahayag ng pagtutol sa hakbang ng Sangguniang Panlalawigan na buwagin ang ilang posisyon sa mga government hospitals sa lalawigan ng Camarines Norte.
Makikita na rin ito ngayon sa mga pangunahing kalsada sa bayan ng Daet tulad na lamang sa kahabaan ng Bagasbas Road at Vinzons Avenue.
Nakasulat ang mga pangalan nina Board Members Artemio Serdon Jr, Joseph Stanley Alegre, Renato Moreno, Michael Aling, Aida Dasco, Leonardo Baning at Ramon Baning na pawang pumabor sa abolition ng mga posisyon sa Provincial Health Office, Camarines Norte Provincial Hospital, Labo District Hospital at Capalonga Medicare Community Hospital.
Sabi ng mga tumututol sa abolition na maayos na legislation ang kanilang nais at hindi ang pagbuwag sa mga posisyon na anila’y makakaapekto sa pagseserbisyo sa mga pasyente.
Kung maaalala ay tinadtad ng naglalakihang tarpaulin ang bawat sulok ng CNPH noong Biyernes na nagpapahayag ng pagkadismaya sa mga nabanggit na miyembro ng SP na nagtulak para buwagin ang mga posisyon.
Nagsagawa rin ng programa kinahapunan ang mga doktor at empleado ng CNPH upang ipakita ang kanilang pagtutol sa naging hakbang ng majority Board Members.
