Tab Baldwin, hindi ikinatuwa ang ‘lucky shot’ comment ng Korean coach

Sinagot ni Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin ang ilan sa mga komento mula sa panig ng South Korea bago ang kanilang nakatakdang rematch sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers.

Sa unang tapatan ng Pilipinas at Korea sa third window ng qualifiers noong Miyerkules, ay nagawa ni Gilas guard SJ Belangel na maipasok ang off-balance three-pointer shot na halos kasabay ng buzzer na dahilan upang mapunta sa mga Pilipino ang panalo sa score na 81-78.

Sinabi naman ni Korean head coach Cho Sang-hyun sa post-game press conference na planado na talaga nila ang gagawin nilang switches sa huling dalawang segundo para hindi mabigyan ang Pilipinas ng pagkakataong makatira.

Gayunman, sinabi ni Cho na over-all ay maituturing na “lucky shot” ang three-pointer ni SJ kung kaya’t wala na silang nagawa para ayusin ito.

Nagbigay naman si Baldwin ng reaksyon sa sinabi ng kanyang Korean counterpart matapos manalo ng Gilas kontra Indonesia kagabi (Biyernes).

Ipinunto ni Baldwin na inasahan na nila na sasabihin ng Korean coach na maswerte ang Gilas kaya nanalo.

Pero ayon kay Baldwin, para sa isang kuponan na natalo sa laro, ay hindi tama na sabihin na swerte lang ang nagpapanalo sa kalaban.

Naniniwala naman si Baldwin na ang komento ng Korean coach ay magsisilbi bilang motibasyon sa Gilas players oras na na gawin ang rematch ng dalawang kuponan sa Linggo.