CAMARINES NORTE- Huminto na ng operasyon ang District II Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) sa Barangay Sto Domingo, Vinzons, Camarines Norte na pinagdadalhan ng mga asymptomatic at mild cases COVID- 19 patients mula sa Bicol Speaking Towns dahil sa kakapusan ng pondo.
Pero hindi lang dito nagtatapos ang problema dahil mayroon pang mga obligasyong dapat bayaran.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet nitong umaga kay Basud Mayor Adrian Davoco, pangulo ng District II Inter- Local Health Zone, aminado itong naantala ang sweldo ng mga empleado ng TTMF at mayroon pa umanong utang na dapat bayaran sa caterer na nagpapakain sa mga pasyente.
Hinihintay pa kasi ang counterpart mula sa LGU- Daet na siyang ipambabayad sa utang.
Ayon kay Davoco, nangako naman daw ang Daet na magbibigay ito ng kanilang counterpart alinsunod sa napag- usapan noon ng mga Alkalde sa ikalawang distrito.
Kasabay nito ay nagpasalamat ang pangulo ng District II Inter Local Health Zone sa LGU Daet dahil hindi naman umano nito tinanggal ang kanilang counterpart kahit na kung tutuusin ay hindi naman halos ito nakikinabang doon sa pasilidad.
Sa dami kasi ng mga nagpopositibo sa Daet ay hindi ito nagdadala ng pasyente sa District II TTMF dahil limitado lang ang kayang i- accommodate ng pasilidad.
Sa ngayon ay tinatapos na lang ng mga naiwang pasyente ang kanilang 14- day quarantine dahil simula noong June 30 ay hindi na tumanggap ng bagong pasyente ang pasilidad.
Bumabalangkas naman ngayon ng resolusyon ang League of Municipalities of the Philippines (LMP)- Camarines Norte Chapter para magpasaklolo sa Provincial Government.
Maaari umanong i- take over ng Provincial Government ang operasyon na siya ring may ari ng pasilidad o kahit magbigay lang ito ng kalahati bilang counterpart ng gastusin nito.

