LEGAZPI CITY – Hindi na nakapalag pa alyas. “Jun-Jun”, ang notoryus na suspek sa serye ng nakawan sa bayan ng Daraga, Albay matapos siyang masakote ng mga operatiba ng Daraga PNP sa Purok 2, Brgy. Tagas, Daraga, Albay.
Ang suspek ay isang menor de edad na residente ng Brgy. Victory Village, Legazpi City at pansamantalang naninirahan sa nasabing bayan.
Ayon sa report, nang magtungo sa himpilan ng pulisya ng Daraga ang biktimang si Andrea Joy A. Leuterio, 34 anyos na kasalukuyang naninirahan sa inuupahan nyang apartment sa Doña Maria Subdivision, Brgy. Tagas, Daraga upang ireport ang kanyang nawawalang mountain bike na nagkakahalaga di umano ng labing-anim na libumpiso.
Agad namang nagtungo at nagsagawa ng imbistigasyon sa lugar ng insidente ang mga operatiba ng bayan.
Sa inisyal na imbistigasyon, napag-alaman na nadiskubre ng biktima na nawawala ang kanyang mountain bike bandang 5:30 ng umaga.
Base sa mga video footage na nakuha ng mga operatiba sa nakakabit na CCTV, bandang 4:23 ng umaga, inakyat ng suspek ang bakod ng inuupahang apartment ng biktima at binuksan ang gate bago tuluyang ninakaw ang bisikleta.
Dahil din sa mga larawang nakuha sa CCTV, nakumpirma rin ang pagkakakilanlan ng suspek na matagal nang minamanmanan ng mga operatiba ng Daraga PNP bilang person of interest sa serye ng mga nakawan sa nasabing bayan mula pa noong buwan ng Hulyo, kaya’t agad na nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta ng maagap na pagkakaaresto sa nasabing suspek.
Sa isinagawang follow-up investigation, inamin ng suspek na may kinalaman sya sa serye ng nakawan at ang kinaroroonan ng mga gamit na kaniyang ninakaw.
Bukod sa mountain bike ng biktima, natukoy din ng mga operatiba na ang suspek din ang nanloob sa bahay ni Dr. Desiree A. Bricenio, isang doctor sa DOH-ROV, at residente rin ng Doña Maria Subdivision, Tagas, Daraga, Albay na naganap noong Agusto 15 at 20.
Sa pakikipag-ugnayan ng mga operatiba ng Daraga PNP at Legazpi PNP, matagumpay na narekober ang mountain bike ni Leuterio na naibenta na ng suspek sa isang buko vendor sa Legazpi City, ganoon din ang isang air-conditioning unit na pagmamay-ari ni Bricenio na narekober sa isang junk shop sa kaparehong lunsod, at isang Motolite Battery na naibenta nya sa isang fish na pinaniniwalaang ninakaw sa isang Construction Supply sa Tagas, Daraga, Albay noong Agusto 8, 2022 base sa record ng Daraga PNP. Ang arestadong suspek ay nahaharap sa kasong Theft, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Daraga PNP ganun din ang lahat ng nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon.