Catanduanes—Palalakasin ng LGU-Bagamanoc sa lalawigan ng Catanduanes ang pagsasagawa ng ‘Surveillance Targeted Testing’ sakanilang bayan matapos na makapagtala ng unang kaso ng COVID-19 Alpha variant.
Batay sa inilabas na anunsyo ng lokal na pamahalaan, mas maraming residente sa lugar na nakabilang sa contact tracing ang isasailalim sa swab testing upang ma detect ang mga carrier ng virus, ma-isolate ang mga ito at mabigyan ng atensyong medikal kung kinakailangan.
Mahalaga kase na maisagawa ang early detection and isolation, nang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng sakit sa komunidad at mahawaan ang mga kabilang sa vulnerable sectors na silang may mataas na tiyansang makaranas ng severe symptoms, na posible ring mauwi sa kamatayan.
Kaugnay nito, binubuksan ng LGU-Bagamanoc ang posibilidad sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sakanilang bayan dahil sa pagpapatupad ng nasabing hakbang.
Pakiusap nito sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga kababayang mag po-positibo sa sakit dahil mas kailangan aniya ngayon ang kooperasyon, pagkakaisa at pagtutulungan sa nagpapatuloy na laban kontra sa pandemya.###