CAMARINES SUR- Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) Bicol na walang dapat ikabahala ang publiko sa pagpakatay, pagbili at pagkain ng karne ngayong holiday season.
Sa pahayag sa Brigada News FM Naga ni Love Guarin, Information Officer ng DA Bicol, marami at ligtas naman ang karne ngayon sa Camarines Sur dahil tanging ang bayan ng Sipocot na lamang ang may kaso ng African Swine Fever (ASF), ngunit may kamahalan ang presyo nito dahil hindi nakakapalabas ng supply gawa ng may mga aktibong kaso pa rin sa Camarines Norte.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng mga hog raisers hinggil sa mababang presyo ng buhay na baboy. Paliwanag naman ni Guarin, naiparating na ang problemang ito kay DA Secretary Kiko Laurel at hinihintay pa ang kaukulang aksyon.