Ipinaliwanag ng Bureau of Fire Protection (BFP) Guinobatan, Albay ang tungkol sa nangyaring sunog na nagmula sa isang poste ng ALECO partikular sa bahaging malapit sa gate ng Bicol University College of Agriculture and Fisheries (BUCAF) alas onse ng umaga kahapon, Enero 31 ng kasalukuyang taon.
Sa pahayag ni BFP Guinobatan Chief Investigator Randy Palevino sa panayam ng Brigada News FM Legazpi, sinabi niyang ang nangyaring sunog ay dulot ng pumutok na box ng isang telco o internet.
Nakakabit umano ang box na ito sa may bandang ibaba ng wire ng nasabing poste.
Agad naming naideklarang fire out ang nangyari noon ding umaga sa pangunguna ng nasabing yunit kasama ang MDRRMO ng bayan.
Hindi naman sigurado si Palevino kung kalian maibabalik ang suplay ng internet sa apektadong lugar.
Samantala, isa pa sa tinitignang dahilan ni Palevino sa sunog ay ang pabago-bagong panahon, dahil nga maulan, maaaring pinasok na tubig ang box.
Sa kabilang banda, naitala rin kahapon ng umaga ang isang insidente ng sunog sa Bulwagan ng Katarungan, lunsod ng Tabaco ng kaparehong lalawigan na naging dahilan ng pagsususpinde ng lahat ng hearing at mga presiding cases.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Tabaco, lumalabas umanong pumutok ang isang transformer ng ALECO malapit sa bulwagan. Samantala, ipinagpapatuloy naman ang imbestigasyon patungkol dito.