Nabiktima ng magnanakaw ang isang sundalo sa lungsod ng Sorsogon nang tangaying ng kawatan ang kanyang.9mm Glock 17 service firearm, mga magazine at bala.
Ang sundalo na hindi na pinangalanan ay miyembro ng 22IB na nakabase sa Brgy Calomagon, Bulan, Sorsogon; residente ito ng Brgy Caroyroyan, Pili, Camarines Sur.
Naaresto naman agad ang suspek na nakilalang si Mark Dominguez Perez de Tagle Aragon, 41-anyos, may asawa, tricycle driver, residente ng Sitio Madan-an Brgy Bibincahan, East District, Sorsogon City.
Bukod sa baril na kargado ng 16 na bala, natangay din ang tatlong magazine na kargado ng 46 na bala.
Ayon sa salaysay ng biktima, nang bumalik siya sa kanyang kuwarto sa Brgy Talisay, East District, Sorsogon City ay napansin niyang bukas ang kanyang pinto kahit naka-lock ito bago siya umalis.
Nang pumasok siya sa kanyang kuwarto ay dito na niya natuklasan na sapilitang binuksan ang lock ng pinto at may naghalughog sa kanyang kuwarto at nawawala ang kanyang sling bag na naglalaman ng kanyang service firearm, magazine at mga bala.
Agad namang naaresto ang suspek at nabawi ang sling bag na naglalaman ng pag-aari ng biktima.
Nasa kustudiya na ng Sorsogon City Police Station ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.
