CAMARINES NORTE- Tiniyak ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na handa na ang cold storage facility ng Camarines Norte Provincial Hospital para sa pagdating ng dalawang American brand COVID- 19 vaccine sa lalawigan.
Ayon kay Francisco posibleng sa susunod na linggo ay dumating na ang hinihintay na Janseen manufactured COVID- 19 vaccine na Johnson & Johnson.
Nasa 19, 500 doses ang nakalaan para sa Camarines Norte na ituturok sa mga kasama sa A2 priority group o senior citizen.
Planong tapusin ng PHO ang pagbabakuna sa naturang priority group sa katapusan nitong buwan.
Maliban naman sa J& J, may paparating ding bakuna mula sa American pharmaceutical and biotechnology na Moderna na posibleng dumating na rin sa susunod na linggo.
Ginawa ng PHO ang paghahanda sa kanilang storage facility upang maging angkop ito sa temperature requirement ng mga nabanggit na brand ng bakuna.
Mayroon din ngayong mga on- going projects para palawakin ang cold storage facility ng CNPH.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) nasa 51, 423 na ang mga nabakunahan sa lalawigan.




