CAMARINES NORTE- Isinailalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa orientation patungkol sa Information Management and DROMIC Reporting Guidelines ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Officer sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa DSWD, ginawa ang aktibidad kasabay ng buwanang pagpupulong ng mga LDRRMOs na inorganisa naman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Layon ng ginawang orientation na magbigay ng dagdag kaalaman tungkol sa pagkalap at pagrereport ng datos sa panahon ng kalamidad.
Mahalaga umano ang maayos na pagkalap at pagreport ng datos upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong populasyon.
Sa ilalim ng Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, ang DSWD ang tumatayong Vice Chair for Disaster response sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Bilang vice- chair, ang DSWD ang mamumuno sa Response Cluster sa pamamagitan ng cluster approach.
Katuwang ng ahensiya ang iba pang government response agencies.
Photo courtesy: DSWD

