CAMARINES NORTE – Hindi pa rin masabi sa ngayon ng Social Security System kung kailan maibibigay ang karagdagang isang libong pensiyon sa mga retiradong miyembro na ipinangako noon pang nakaraang Duterte administration.
Sa isinagawang Press Conference kahapon na ginanap sa isang hotel dito sa bayan ng Daet, sinabi ni SSS Vice President for Luzon Bicol Division Elenita Samblero na hindi pa nila ito napag- uusapan kaya wala pa umano siyang masabi ukol dito.
Aniya, kailangan muna itong pag- aralan kung kakayanin bang ibigay ng SSS.
Binigyang diin ni Samblero na noong ibinigay ang unang tranche ng SSS pension noong 2017 ay wala namang kaakibat na increase sa kontribusyon ng mga miyembro.
Bukod dito ay pinalawak din umano ang maternity benefit at mula sa dating hanggang apat na delivery lang kasama na ang miscarriage ay naging “unlimited” na ito.
Noong kasagsagan ng COVID- 19 pandemic ay nagbigay rin umano ang SSS ng unemployment benefit nang walang kaakibat na pagtaas ng kontribusyon.
Hindi raw maaaring ikompromiso ng ahensiya ang pondong mayroon ito ngayon dahil kailangan ding proteksyunan ang active paying members para sa panahon naman ng kanilang pagreretiro at anumang contingencies.
Mababatid na nasa dalawang milyon ang mga SSS pensioners sa buong bansa.
