Inilunsad kamakailan ng Lokal na Pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Social Security System (SSS) ang programang AlkanSSSya para sa iba’t- ibang TODA sa bayan ng Paracale, Camarines Norte.
Pinangunahan ni Mayor Romeo Moreno kasama ang iba pang mga lokal na opisyal at kinatawan ng SSS ang paglulunsad ng programa na pakikinabangan ng BPCMTODA, CALAPIBATODA at CAPTODA.
Ang AlkanSSSya ay isang programa ng SSS para lumikha ng special pension fund sa mga informal workers tulad ng mga tricycle drivers, farmers, fisherfolk at iba pa sa layuning mabigyan ang mga ito ng social security protection.
Dati nang hinihimok ng SSS ang lahat na maging miyembro pero ang kawalan ng pamamaraan at kakapusan ng income ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit hindi nakakapaghulog ang karaniwang mamayan ng kanilang kontribusyon.



Sa pamamagitan ng naturang programa ay may pagkakataon ang mga nasa informal sector na pag ipunan ang kanilang kontribusyon sa SSS.
Sa pamamagitan ng paunti – unting impok ang kapalit naman ay benepisyo.
Batay sa Australian-based survey na inilathala noong 2019, isa ang Pilipinas sa 37 bansa na kailangan ang improvement sa pension system.
Kaya naman, mas pinaigting pa ng SSS ang pag abot sa lahat lalo na sa mga nasa informal sector.
(photo courtesy: Opisina ng Punong Bayan)
