SORSOGON CITY – Nagtala ng pinakamababang kaso ng dengue sa lahat ng lalawigan sa Bicol region ang probinsya ng Sorsogon sa nagdaang anim na buwan.
Base sa tala ng Department of Health (DOH) Bicol, 12 ang kasong nadagdag sa Sorsogon mula Enero 1 hanggang Hunyo 18 ngayong taon.
Nanguna sa may pinakamataas na kaso ang Camarines Sur na may 373; 108 sa Camarines Norte; 57 sa Catanduanes; 34 sa Masbate; at 23 sa Albay.
Sa kabuuan, mayroong 607 na kaso ng dengue ang buong Bicol region mula Enero hanggang Hunyo kung saan dalawa ang nasawi.
Ayon sa DOH, tumataas ang kaso ng dengue sa rehiyon kung saan sa loob lamang ng isang linggo mula Hunyo 11 hanggang 18 ay nakapagtala ng 23 na bagong kaso ng sakit sa rehiyon, mas mataas ng 92% kumpara noong nakaraang taon.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang kagawaran sa mga Bicolano na sundin ang 4S strategy kontra Dengue – suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na pagamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang (2) linggo upang maiwasan ang outbreak.
Kailangan din umanong ugaliin ang pagsunod sa 4 o’clock habit para suyurin at sirain ang mga lugar na posibleng pamugaran ng lamok sa mga bahay, opisina o eskwelahan.###
