Kulilat ang Sorsogon sa buong rehiyong Bicol sa ikalawang round ng mass deworming program noong nakaraang taon.
Sa kabuuang 86% na deworming accomplishment ng rehiyon sa ikalawang round, nakapagtala lamang ang lalawigan ng 45% na na-deworm.
Nanguna naman ang Camarines Norte sa buong rehiyon na nakakuha ng 86% na sinundan ng Albay na nasa 83%.
Sumunod naman sa Sorsogon na pinakamababa ay ang lalawigan ng Masbate na nakakuha ng 51%.
Samantala, noong unang round ay nasa pangatlong puwesto ang Sorsogon na nakakuha ng 70% at ang pinakamababa ay ang Masbate.
Nanguna sa unang round ang Albay na may 94% habang ang Camarines Norte ay nakakuha ng 91%.
Tuwing buwan ng Enero at Hulyo ay nagsasagawa ng kampanya ang DOH kaugnay sa ‘National Deworming Month’ katuwang ang DepEd at ibat-ibang LGUs sa bansa.
Kinikilala kasi ng DOH ang Soil Transmitted Helminths o bulate na isang public health problem na may direktang epekto sa kalusugan ng mga bata at kabataan.
Ang pagkakaroon kasi ng ‘alaga’ sa tiyan ay nagiging dahilang ng anemia, malnutrition, panghihina, mabagal na pag-unlad ng pangangatawan at kaisipan at pagiging mahina sa klase.
