SORSOGON CITY – –Personal na binisita ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang mga pamilyang inilikas sa bayan ng Juban dahil sa pag alburuto ng Bulkang Bulusan.
Pasado alas 9 kagabi nang magtungo ang opisyal kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office sa Tughan Elementary School kung saan nananatili ang 53 pamilyang lumikas.
Namahagi sila ng mga food packs, beddings, hygiene kits at iba pang basic necessities ng mga apektadong indibidwal.
Samantala, bago ito ay personal ding binisita ni DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera kasama si Sorsogon Provincial DOH Officer Dra. Gladys Escote at iba pang kawani ng ahensya ang mga evacuees kahapon.
Katuwang ang Municipal Health Office ng Juban ay nagsagawa ang team ng assessment sa lugar kasabay ng pamamahagi ng ayuda.
Kabilang sa mga ito ang tubig inumin, hygiene kits at ibang pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.
Dumiretso rin ang team sa bayan ng Irosin para magsagawa ng assessment at mamahagi ng kaparehong tulong sa mga apektadong mamamayan.
