Aminado si Ador “The Terminator” Torres ang bagong Asian Boxing Federation Welterweight Champion at tubong Sta. Magdalena, Sorsogon na mas nahirapan siya sa pagkuha ng tamang timbang kaysa ang pabagsakin ang kanyang kalaban na si Meechaiya Kaiwiset.
Sa panayam ng Brigada News Sorsogon sa boxing champion, sinabi nito na mula kasi sa halos 73 kilos ay kailangan niyang bumaba sa 65 kilos upang pumasok sa kinakailangang timbang para sa nasabing dibisyon.
Aniya talagang nahirapan siya sa ma preparasyon upang makuha ang nasabing timbang sa loob lamang ng dalawang linggo.
Mababatid na si Torres ay itinanghal bilang bagong Asian Boxing Federation Welterweight Champion matapos matalo ang katunggaling Thailander boxer via 4th round TKO sa torneyo na ginanap sa Bangkok, Thailand bago ang Bagong Taon.
Sa ngayon ay nasa Thailand pa rin si Torres kung saan sinabi nito, bukod sa pasasalamat ay hiniling nito ang dasal ng kanyang mga kababayan lalo pa at marami pa umano siyang laban na kahaharapin.
