Mariing kinundena ng isang mambabatas mula sa Makabayan bloc ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdala na ng sakong-sakong pera para sa mga kandidato ng ruling Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) para sa 2022 elections ngayong paulit-ulit na sinasabi ng gobyerno na wala nang pera pang-ayuda sa gitna ng pandemya.
Kinuwestyon ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate kung saan kukunin ng pangulo ang sako-sakong pera para lamang matiyak ang panalo ng mga kandidato ng partido.
Binigyang diin ng mambabatas na ang executive department na pinamumunuan ni pangulong Duterte ang may kontrol sa bultong pondo sa ilalim ng kanyang opisina.
Binanggit ng kongresista ang P16.4 bilyong barangay development fund )BDF) o general’s pork pati na ang P4.5 bilyong presidential confidential and intelligence funds. Mayroon pa umanong bilyun-bilyong unobligated funds sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 at kung susumahin, aabot na ito sa P20 bilyon.
Maliban dito, iginiit ni Zarate na mayroon ding unspent at unobligated funds sa iba pang ahensya na pinuna ng Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Zarate na dapat mawakasan na ang tahasang pandarambong sa pera ng mga nagbabayad ng buwis lalo na ngayong nasa gitna tayo ng COVID-19 crisis.