Inanunsyo ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 ang taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Marso, 2022.
Batay sa abiso ng kooperaiba, sa Residential ay magiging Php 14.9538 na ang singil sa kada kilowatt-hour matapos tumaas ng 3.91 pesos per kilowatt-hour.
Sa Low Voltage ay magiging PHp 14.0382/kWh na mayroong increase na 3.92 pesos/KWH at mahigit P4.00 pesos naman ang dagdag-singil sa High Voltage kaya magiging Php 12.58 na ang kada kilowatt-hour.
Paliwanag ng ISELCO 1, mayroong pagtaas sa taripa sa kuryente ngayong buwan dahil sa pagtaas ng Generation Rate.
Pangunahing nakaapekto umano rito ang economic sanction na ipinataw sa Russia na naging sanhi ng paggalaw sa presyo ng Consumer Price Index, foreign exchange rate, global coal price index at ipa pang components.
Nauna na ring ipinabatid ng opisina sa kanilang Member-Consumer-Owners (MCOs) na ito ay bunsod ng pagtaas ng coal na ginagamit ng mga plantang nagsusuplay ng kuryente sa kooperatiba.
Tiniyak naman ng ISELCO-1 na ang power rate na itinakda ng kooperatiba ay regulated ng Energy Regulatory Commission o ERC kaya walang dapat ikabahala ang mga konsyumer.
Hinikayat din ng tanggapan ang lahat na maging masinop sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang pagtaas ng power bill lalo na ngayong dry season.