CAMARINES NORTE- Sasalubungin muli ng pagbaba ng singil sa kuryente ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative sa susunod na buwan.
Ito ay makaraang bumaba ng 0. 6719 per KWh ang billing rates para sa buwan ng Mayo.
Batay sa anunsiyo ng Canoreco nitong Martes, May 30, ang residential rate ay Php14.5206 per kWh na lamang kumpara sa Php15.1925 per kWh noong nakaraang April 2023 billing
Ang commercial low voltage rate ay Php13.5671 per kWh at ang commercial high voltage rate naman ay Php12.0879 per kWh.
Dahil sa pagbaba ng billing rate na babayaran sa June 2023 para sa mga konsumo sa kuryente ng May 2023, mababawasan ng Php67.19 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na kumukunsumo ng 100kWh.
Mababawasan naman ng Php134.38 ang bayarin ng mga kumukunsumo ng 200kWh at ng Php201.57 sa mga kumukunsumo ng 300kWh.
Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang pagbaba ng billing rates ay bunsod ng pagbaba ng Blended Generation System Charge dahil sa mas mababang Fuel Cost (Coal Price) na binayaran sa Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng April 2023.
Bumaba rin ang Transmission System Charge dahil sa mas mababang Power Delivery Service Charge pati na rin ang Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Bumaba rin ang System Loss Charge Lifeline Rate Subsidy at ang Senior Citizen Subsidy gayundin ang Value Added Tax (VAT) Charges.
Nananatili namang suspendido ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff (FIT-All Charge) dahil sa ERC Resolution No. 12, Series of 2022 na nagsimula noong December 2022 billing hanggang February 2023 billing at ipinagpapatuloy mula March 2023 hanggang August 2023 billing alinsunod sa pinakabagong ERC Notice of Resolution noong February 22, 2023.
