Karapat-dapat na purihin at bigyan ng pagkilala si Davao Region Police Director Brigadier General Nicolas Torre III sa matagumpay na pagkakahuli sa founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy.
Ito ang binigyang-diin ni Interior Secretary Benhur Abalos sa harap ng mga bumabatikos sa panukalang i-promote na ng ranggo si Torre matapos ang umano’y pagkakaaresto kay Quiboloy.
Sa panayam bago sumalang sa plenary debates sa Kamara para sa proposed budget ng DILG at attached agencies sa susunod na taon, sinabi ni Abalos na “unfair” ang puna ng ilan sa naging trabaho ni Torre dahil kung tutuusin ay simbolo siya ng mabuting pulis na nanindigan sa kabila ng mga hamon.
Dapat umano siyang kilalanin dulot ng dalawang linggong operasyon na itinuring na “job well done”.
Sinuportahan din ito ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil at iginiit na ginawa lang ni Torre nang tama ang tungkulin sa tulong ng buong hanay ng Philippine National Police.
Malaki aniya ang naging papel ni Torre sa pagkakahuli kay Quiboloy ngunit collective effort ito ng PNP kaya dadaan sa proseso ang mungkahing promotion ng Davao Region Police Chief.