GINULANTANG ng magkakasunod sunod na putok ng baril ang mga residente ng bayan ng Datu Unsay sa Maguindanao del Sur matapos na magpang-abot kahapon ng umaga ang ilang myembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Sa impormasyon mula sa Maguindanao Del Sur Police Provincial Office, mga kasapi ng MILF 118th Base Command na pinamumunuan ni Commander Panzo at 105th Base Command sa pamamagitan ni Commander Tunga ang nagka-engkwentro alas 9:30 ng umaga kahapon.
Nangyari ang matinding labanan ng dalawang grupo sa bahagi ng Sitio Irrigation Brgy. Meta partikular sa isang MILF Community sa bayan ng Datu Unsay.
Mabilis namang nag-alsabalutan ang mga residente at batay sa mga nakuhang impormasyon ng Brigada ilang mga kabahayan din ang nasunog dahil sa matinding labanan.
May mga naiulat din umano na sugatan sa nasabing engkwentro na agad isinugod sa Maguindanao Provincial Hospital sa bayan ng Datu Hoffer.