BNFM BICOL— “Walang dapat na ikatakot ang mga magulang sakali mang makaranas ng side effects ang mga bata matapos bakunahan kontra COVID-19.”
Iyan ang binigyang diin ni Dr. Monrey Isaiah Mancilla – ang Bicol Regional Medical Coordinator ng National Immunization Program ng rehiyon, sa isinagawang media dialogue ng DOH-Bicol nitong nakaraang araw.
Ayon kay Mancilla, maaaring makaranas ng pangagalay ng braso ang mga bata sa injection site o sa bahagi ng tinurukan; pagsakit ng ulo,pagkapagod at lagnat, ngunit iginiit ng doktor na ito ay normal lamang kaya’t wala umanong dapat na ikatakot ang mga magulang.
Ginawa ng doktor ang pahayag kasabay ng pag-anunsiyo nitong aarangkada na simula ngayong February 14, araw ng Lunes ang pagbabakuna sa mga batang edad lima hanggang 11 taong gulang sa iba’t-ibang bahagi ng Bicol.
Sa huli ipinaalala rin ng doktor na malaking bagay na mabakunahan ang mga bata dahil ito aniya ang magsisilbing proteksyon ng mga ito laban sa COVID-19, lalo na kung hindi pa bakunado ang mga nakakasama ng mga ito.###