KORONADAL CITY – HANDA na anumang oras ang Department of Health o DOH Region 12 sa pagtanggap sa Soccsksargen General Hospital (SGH) oras na iturn-over na ito ng provincial government ng South Cotabato.
Ayon kay DOH 12 Assistant Regional Director Dr. Sulpicio Henry Legaspi na hinihintay na lamang nila ngayon na malagdaan ang usufruct agreement sa pagitan ng DOH 12 at ng provincial government.
Nasa second reading na sa Sangguniang Panlalawigan ang pagbibigay ng authority sa gobernador na lumagda sa naturang kasunduan.
Napag-alaman na nakapag-hire na ang DOH ng mga personnel na itatalaga sa naturang pasilidad at nasa procurement process na ang mga medical equipment, gamot, supplies at iba.
Ngayong buwan nakatakda ang turn-over ng SGH sa DOH 12.
Plano din ng departamento na i-upgrade ang naturang pasilidad bilang Level 1 hospital mula sa infirmary level.
Binigyang diin ni Legaspi na mag-ooperate pa rin ang SGH bilang COVID facility sa ilalim ng kanilang pamamahala at tatanggap ang mga ito ng COVID at non-COVID patients.
Ayon sa opisyal na may plano na para sa renovation ng building sa harap para sa Level 1 accreditation habang ang gusali naman sa likurang bahagi nito ang gagawing COVID ward.
