SORSOGON CITY – Walang kawala sa mga operatiba ng Sorsogon City Police ang suspect na sextortionist matapos makorner sa entrapment operations sa lungsod.
Kinilala ng hepe ng City Police na si PMaj Jeric Don Sadia ang suspek na si Ronald Agarin Guarde, 42-anyos, may asawa, naninirahan sa Brgy Poblacion, Castilla, Sorsogon.
Sa panayam ng Brigada News FM-Sorsogon kay PMaj Sadia, sinabi nito na tinakot umano ng suspek ang 19-anyos na biktima na ipapakalat ang mga hubad na larawan at video nito kung hindi makikipagkita at makipagtalik sa kanya.
Sa ekslusibong panayam ng Brigada News sa biktima, isinalaysay nito na ang suspek ay nagpakilala sa kanyan na siya ay si Alex Sotto, Kapitan ng Brgy Poblacion, Castilla gamit ang isang dummy account na ‘Talinga San Poblacion,’ kung saan kilala na bansag ng nasabing Kapitan.

Sa patuloy na pagpapanggap ng suspek, inalok pa umano nito ang biktima ng scholarships, ipapagawa ang bahay, palalagyan ito ng internet at iba pa.
Nagsimula ang kanilang komunikasyon buwan ng Hulyo, hanggang sa nagduda na ang biktima, at nang magsimula na siyang takutin nito ay saka siya humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Dakong ala 1:45 ng hapon, Oktubre 21, ay pinasok na ng mga operatiba mula sa City Police at Provincial Anti-Cyber Crime Unit (PACU) ang isang kuwarto sa Mahogany Lodge sa Brgy Bibincahan ng nasabing lungsod kung saan naroon ang biktima at ang suspek.
Matapos maaresto ay agad na dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya habang inihahanda na ang kasong isasampa dito na paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Voyeurism Act of 2009 at Coercion (Sextortion) in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
