Tuloy ang imbestigasyon sa POGO.
Ito ang pagtitiyak ni Senate Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa kabila ng naging utos ni Pangulong Bongbong Marcos na i-ban na lahat ng POGO operations sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, hindi pa dito nagtatapos ang usapin ng POGO, at hindi lang naman si suspended Bamban Mayor Alice Guo ang iniimbestigahan sa isyu, kung ‘di ang buong industriya ng POGO na aniya ay nagdala ng samu’t saring krimen sa bansa.
Kahit pa umano inanunsyo ang POGO ban, oversight function ng Senado na matiyak na ang phaseout ay tunay na maipapatupad, at ang mga sangkot sa krimen ay matukoy.
Sa huli, binigyang-diin ng senadora na maraming institusyon ng gobyerno ang mukhang na-korap ng mga POGO, at kailangang tugunan ito ng mga polisiyang maaaring isulong nila sa Senado.