Inaprubahan na ng Senate Trade Committee ang pag-criminalized sa ‘hoax ordering’ o mas kilala bilang ‘fake booking’ sa food delivery services.
Ayon sa Committee Report No. 273, mananagot sa batas ang sinumang magsasagawa ng hoax orders, magkaka-cancel ng confirmed orders at ang mgatatanging tumanggap ng mga hindi pa bayad na orders.
Papapanugutin din batay sa naturang panukala ang mga gumagamit ng mga personal na impormasyon ng ibang tao para mag-order ng pagkain, grocery, at gamot.
Sinabi ni Senate trade committee chairman Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na layunin nitong mapangalagaan ang mga delivery riders mula sa mga bogus na transaksiyon.
Dagdag pa ng mambabatas na napapanahon na magkaroon ng ganitong batas lalo’t kaliwa’t-kanan ang mga napapaulat na mga biktima ng fake booking.
Nakasaad din sa bill na kailangan magpatupad ng Know-Your-Customer (KYC) rules kung saan magiging requirements ang pagsumite at beripikasyon ng proof of identity kasama ang residential address of customers, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012. (LEY BAGUIO)