Nilinaw ni Senador Bong Go na present sya virtually sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng deficiencies sa paggastos ng Department of Health (DOH) ng kanilang COVID-19 response fund.
Ito ay matapos sabihin ni Senador Franklin Drilon na dapat ay dumalo si Go sa susunod na hearing dahil sya ang chairman ng Senate committee on health.
Ayon kay Go, nakinig syang mabuti sa talakayan para paghandaan ang mga itatanong at manifestations pag sya na ang kailangang magsalita sa susunod na hearing.
Aniya, bilang chair ng health committee ng Senado, suportado nya ang imbestigasyon kung paano ginastos ang pondo ng bayan sa paglaban sa COVID-19 at nangakong makikiisa sa mga kasama nyang mambabatas sa adhikain.
Dagdag ng senador, batay sa napag-usapan, talagang kailangang busisiin pa ang initial findings ng Commission on Audit (COA) at kung mapatunayang may nasayang, nawala, o nanakaw sa kaban ng bayan, dapat silang papanagutin.
Tanging apela umano ng senador ay maging objective rin ang lahat na wag agad husgahan ang mga sinasabing sangkot nang di pa inaalam ang totoo at alalahaning frontliners din ang mga government employees sa paglaban sa COVID-19.
