Nanawagan si Senador Bong Go sa Department of Health (DOH) na ibigay na agad ang special risk allowances at iba pang benepisyo ng mga medical frontliners sa public at private hospitals.
Ayon sa senador, hiniling nya sa DOH na maghanap na ng pondo para maibigay na sa lalong madaling panahon ang benepisyo sa mga health workers at wag nang paabutin pa ng 10 araw na ultimatum na ibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, ang SRA ay nakalaan bilang pagkilala sa kabayanihan at kontribusyon ng mga health workers at nang maibsan ang kanilang hirap na kaakibat ng pag-aalaga sa COVID-19 patients.
Dahil dito, nanawagan si Go sa DOH na tiyaking maayos na ginagamit ang kanilang COVID-19 funds at tiyak na mapupunta ang pondo para sa mga pinaglaanan nito.
Binigyang diin pa nya na bilang senador, patuloy nyang imo-monitor ang maayos na pagpapatupad ng batas at paggamit ng public funds lalo na ngayong nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic.
Maliban dito, nanawagan din si Go sa concerned agencies na mag-hire ng contact tracers at vaccinators para sa laban kontra pandemya dahil kung mabibigo umano tayo sa laban ay sayang ang sakripisyo ng mga frontliners na nagbubuwis ng buhay para sa bayan.
