Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa PhilHealth na pag-isipang muli ang pagiisyu ng Circular No. 2021-0013 na nagpipigil sa pagbabayad ng claims na subject sa imbestigasyon kaugnay ng fraudulent, unethical acts, o abuse of authority.
Hiniling ng senador sa state insurer na bigyan ng palugit ang mga ospital lalo’t nahaharap ang bansa sa pandemya at kailangang magtulungan para proteksyunan ang buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Go, nakipag-ugnayan na sya kina PhilHealth President Dante Gierran, Executive Secretary Salvador Medialdea at Secretary Carlito Galvez para maresolba na ang isyu.
Bagama’t aniya sang-ayon sya sa hangarin ng PhilHealth na reporma sa kanilang sistema, isaalang-alang din umano dapat ang mga maaapektuhang ordinaryong mamamayan na nangangailangan ng tulong pagdating sa kalusugan.
Mababatid na dahil sa circular, naglabas ng joint statement ang Private Hospitals Association of the Philippines, Philippine Hospitals Association, at Philippine Medical Association na nag-aanunsyong kakalas na sila mula sa state-run health insurer.
Samantala, hiniling naman ng senador sa PhilHealth at concerned hospitals na magtulungan para mapabilis ang pagproseso sa kanilang requirements nang mapabilis din ang pagbabayad ng claims.
