LEGAZPI CITY – Inaasahan na ng Provincial Disaster Response Desk (DRD) na sektor ng agrikultura ang may pinakamalaking bilang ng mga apektado sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito umano ang magiging sentro ng talakayan sa loss assessment ng DRD dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng nasabing bulkan.
Ayon sa DRD Albay, pag-aaralan nila nang maigi ang magiging computation sa posibleng pinsala, kawalan o pagkalugi sa sektor lalo na kung magkaroon ng malalang ashfall o malakas na pagsabog.
Sinabi rin ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Head Dr. Cedric D. Daep, dapat pag-aralan kung sinu-sino ang dapat na makapasok sa economic dislocation program ng pamahalaan.
Isa sa mga nabanggit ni Daep na maaaring pasok sa nasabing programa ay ang mga magsasaka at mga may alagang hayop na nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone.