Naidagdag ang pole vaulter na si Ernest John Obiena sa master list ng mga Filipino athletes na nakatakdang lumahok sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Sa gitna nito, hinihintay pa ng Philippine Olympic Committee ang go-signal mula sa Vietnam organizers, upang maipanatili ng world’s No. 5 vaulter at Asian record-holder ang kanyang SEA Games gold medal.
Una nito, tinanggal ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa), ang mother federation ni Obiena, ang kanilang prized athlete mula sa roster para sa SEA Games, na nag-udyok sa POC na isama ito sa delegasyon ng 656 athletes mula sa 39 sports.

Matatandaan na dahil sigalot sa pagitan ng pole vaulter at Patafa, hindi inendorso si Obiena ng kanyang national sports association sa POC sa SEA Games, maliban pa na bigo itong makakuha ng go signal para mag-compete sa world indoor championships sa Serbia, kamakailan.
Dahil dito, sinuspende ng POC ang Patafa at ang Philippine Tennis Association noong nakaraang linggo, na nagbukas ng spot para kay Obiena sa SEA Games sa pamamagitan ng local Olympic body. //MHEL PACIA-TRINIDAD