Iimbestigahan ng San Juan LGU ang umano’y sadyang pag-abandona sa mga hayop sa isang city pound noong kasagsagan ng pagsalanta ng Bagyong Carina.
Ayon sa lokal na pamahalaan, magiging komprehensibo at transparent ang kanilang gagawing imbestigasyon.
Mababatid na nagpahayag ng pagkaalarma ang welfare group na Strategic Power for Animal Respondents-Philippines, dahil sa mistreatment at neglect sa mga hayop sa San Juan City pound kung saan hinayaan umano ang mga aso’t pusa na malunod sa baha noong kasagsagan ng bagyo.
Ayon pa sa grupo, may ilang indibidwal na ang lumalapit sa kanila para iulat na maraming hayop na ang namamatay sa nasabing pound dahil sa maltreatment kahit noong bago pa man ang bagyong Carina.