CAMARINES SUR- Nagpadala na ng ilang truck ng coconut husks o bunot ang lokal na pamahalaan ng San Fernando, Camarines Sur sa lalawigan ng Bataan upang makatulong sa pagpigil na kumalat lalo ang oil spill dulot ng paglubog ng oil tanker na MT Terra Nova.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Mayor Fermin Mabulo, pinagtulungan ng mga residente at volunteers ang pag-iipon ng bunot mula sa bayan. Libre ang bunot bilang tulong pero sasagutin naman ng Bataan ang sa transportasyon. Nagbigay ng bigas sina Mabulo sa mga residenteng nag-ambag. Ang mga bunot ng niyog ay magsisilbing oil booms o panangga sa naging oil spill.
Samantala, kontrolado na ang mga tagas mula sa lumubog na tanker na may kargang industrial fuel oil. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung lumala ang pagkalat ng langis tinatayang aabot sa P351 million sa loob ng 22 araw ang magiging lugi ng mga mangingisda.