ROS, naitakas ang panalo kontra NLEX sa opening day ng PBA

Naitakas ng Rain or Shine Elasto Painters ang panalo kontra NLEX Road Warriors sa kanilang close fight na nagtapos sa 83-82.

Ginanap ang laro ng dalawang kuponan sa pagbubukas ng 2021 Philippine Cup nitong Biyernes lamang.

Nanguna sa Elasto Painters si Rey Nambatac sa naitala niyang 19 points at 8 rebounds, na sinundan naman ng 17 points ni Beau Belga, kabilang na ang isang kursyal na hook shot nito sa huling minuto, 7 rebounds at 5 assists.

Nagawa ng Rain or Shine na kontrolin ang laro sa ikatong quarter kung saan ay na-outscore nila ang NLEX, 31-20.

Naging dikit ang kanilang laban hanggang sa katapusan, ngunit dahil sa clutch baskets ni Kiefer Ravena para sa NLEX, ay nanatiling malapit sa isa’t-isa ang kanilang score.

Si Ravena naman ang nanguna sa NLEX sa kaniyang 23 points, 7 assists at 3 steals habang nairehistro naman ni Kevin Alas, na nagdala sa kuponan sa opening period, ng 17 points.