Umaasa si Health Secretary Francisco Duque III na magagawa ng Pilipinas na makamit ang daily vaccination target nito na aabot sa 500,000 pagdating ng Agosto.
Sa isang press conference para sa pagdating ng AstraZeneca vaccines ay sinabi ni Duque na sa pag-abot ng target, ay magagawa ng bansa na makamit ang herd immunity sa loob ng 130 araw.

Ipinunto ng kalihim na naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na daily vaccination rate nito na umabot sa tinatayang 392,000 noong Huwebes.
Noong Martes naman ay nagawa ng bansa na makapagturok ng 375,059 doses ng COVID-19 vaccine.
Samantala, inihayag naman ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na krusyal ang pagtaas ng vaccine confidence ngayon lalo na at darating sa bansa ang mas marami pang suplay ng bakuna sa mga darating na buwan.