CAMARINES NORTE – Inihayag ng Philippine National Police na muli nitong ipapatupad ang road clearing operations sa mga susunod na araw sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Sa kaniyang pagharap sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan nitong Lunes, November 7, sinabi ni Police Major Eva Guiruela, bagong talagang hepe ng Basud Municipal Police Station na sa mga susunod na araw ay magkakaroon na sila ng pagbabandilyo sa iba’t- ibang barangay.
Ito ay upang abisuhan ang komunidad na tanggalin ang mga obstruction sa kalsada partikular ang mga “movable” na nagiging sanhi rin umano ng aksidente.
Kulang din umano ang road safety signages kaya’t makikipag ugnayan ang PNP sa Municipal Engineer’s Office.
Hirit naman ni Councilor Pablo Ablaneda na isama sa road clearing ang mga nakaparadang sasakyan sa national highway.
Sa halip daw kasi na magamit ng maayos ng publiko ang kalsada ay hindi makakinabangan dahil sa mga nakaparadang sasakyan na nagsisilbing obstruction.
Nagiging sagabal din umano ito kung mayroong mga emergency.
Pinatututukan naman sa PNP ni Vice Mayor Ramir Barrameda ang kalsada papasok sa may Basud Central School.
Hindi raw kasi ito halos madaanan lalo na kapag rush hour.
Nangako naman si Guiruela na kanilang irerebyu ang umiiral na municipal ordinance patungkol sa road clearing.
Papaalalahanan din umano ang mga delivery trucks na sundin ang delivery hours para hindi nakaharang sa harap ng establishment.
