Pumangatlo ang Lambak ng Cagayan sa mga rehiyon sa buong bansa na nakapagtala ng mataas na bilang ng indibidwal na nabakunahan kontra covid-19 ayon sa National Vaccination Operation Center nitong March 6, 2022.
Sa ibinahaging datos niRVOC Manager Nurse V Jermaine Farrah Cepada sa Town Hall Meeting ng PIA Region 2, sinabi nito na pumangatlo ang rehiyon matapos maitala ang 81.34% na nakatanggap ng first dose vaccine, 73.77% fully vaccinated at 10.37% boostered sa 80% 2022 target population na mabakunahan.
Aniya, mula kasi sa higit 6.4 milyon na natanggap na bakuna ng rehiyon ay 4.8 milyon na rito ang na-administer habang 12,913 naman ang nasayang na dose ng vaccine.
Samantala, mula naman aniya sa target na 513,912 na mabakunahan sa mga batang edad 5-11 ay nasa 12.61% na ang natapos sa 60% na itinakdang coverage.
Kaugnay dito ay nasa 39,800 ang natanggap na alokasyon ng bakuna ang rehiyon at 38,876 na rito ang naibakuna.
Nanguna ang lalawigan ng Isabela sa datos matapos mabakunahan ang 12. 346 na batang edad 5-11 kung saan sinundan naman ito ng Cagayan na mayroong nabakunahan na 10,522 na bata.