COTABATO CITY – TUMATAAS ngayon ang recovery rate ng COVID-19 sa Bangsamoro region kung saan nasa 89.4 percent o nasa kabuuang 7,919 ang total recoveries nito as of July 8, 2021.
Gayunman tila kabaligtaran ang naturang bilang ng mga gumaling kung ikukumpara sa bilang ng mga namatay matapos na maitala ang 3.8 percent ng mga nasawi sa virus.
Sinabi ni MOH-BARMM Director General Dr. Ameril Usman na karamihan sa mga namamatay ay mga senior citizens na dati ng mayroong mga karamdaman.
Nangunguna sa bilang na ito ang Lanao del Sur na may 104, Cotabato City na may 96, Maguindanao 73, Basilan 25, Sulu 23, at Tawi-Tawi na may 17.
Sa recovery rate naman, napanatili din ng probinsya ng Lanao del Sur ang mataas na bilang ng mga gumaling na mayroong kabuuang 2,551 mula sa total COVID positive na 2,752.
Sinundan ng Cotabato City na may 2,211 mula naman sa 2,575 total COVID cases, Maguindanao na mayroong 1,694 mula sa 1,944 cases, Basilan na may 707 mula sa 766 total cases, Sulu na may 597 mula sa 639 total cases at Tawi-Tawi na may 158 mula sa 179 total cases.