Quezon City Health Department, namahagi ng gamot sa mga lumusong sa baha

Bumalik na sa kani-kanyang tahanan ang mga residenteng nagsilikas at pansamantalang tumuloy sa Our Lady of Perpetual Help Parish sa Barangay Bahay Toro, Quezon City.

Humupa na kasi ang tubig kaya pinayagan nang makauwi ang nasa dalawampu’t lima hanggang tatlumpung pamilya na kinanlong ng simbahan matapos manalasa ang hanging habagat na pinaigting ng bagyong Carina.

Ayon sa kura paroko ng OLPH na si Rev. Fr. Robert Reyes, malaking kabawasan sa evacuees na inaalagaan ng barangay ang kanilang pinatuloy sa simbahan lalo’t bukod sa mainit ay nagsisiksikan sa modular tent ang mga residente.

Read More:  Former Sen. Tolentino appointed as acting DOLE secretary

Paliwanag ni Fr. Robert, minabuti niyang gawing command center ang simbahan upang maging daluyan ng donasyon gaya ng pagkain, tubig, damit, gamot, pera at iba pang pangangailangan.

Ito aniya ay dapat nang maging “practice” sa lahat ng mga parokya tuwing panahon ng kalamidad kung saan maaaring may masilungan ang mga apektadong pamilya.

Sa katunayan, sa nagdaang limang buwan ay inilunsad ng pari ang programang “Simbarangayan” upang mapalakas ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Nagkuwento naman ang isang mag-anak na kabilang sa nakaligtas mula sa rumaragasang baha at pansamantalang tumuloy sa simbahan.

Sabi ni Jeffrey Pariñas, nakatira sila sa ilalim ng tulay at muntik na siyang malunod dahil sa taas ng tubig habang ang kanyang misis ay siyam na oras na nakalubog sa baha bago ma-rescue.

Samantala, dumating sa OLPH ang mga kawani ng Quezon City Health Department upang mamahagi ng gamot laban sa leptospirosis sa evacuees.

Nagbigay din sila ng bakuna laban sa tetano.