Plano ng Premier Volleyball League na idaos ang susunod nitong conference sa first quarter ng 2022, sa loob ng isang bubble.
Ito ay matapos kumpirmahin ni PVL president Ricky Palou na binasura na nito ang orihinal nilang plano na magsagawa ng isa pang torneyo sa 2021 dahil sa sitwasyon ng bansa sa COVID-19.
Sinabi ni Palou sa isang press conference na nais lamang nilang tiyakin na magiging ligtas ang lahat, lalo na para sa kanilang players at pati na rin sa mga tao na nagpapatakbo sa liga.
Iginiit ni Palou na mas praktikal kung gagawin ang torneyo sa first quarter ng 2022, dahil mabibigyan nito ang players ng mas maraming oras para makapagkondisyon ng mga sarili.
Matatandaan na naging matagumpay ang PVL sa pagdaraos ng Open Conference nito sa bubble sa Ilocos Norte noong Agosto, kung saan ay nagkampeon ang Chery Tiggo sa tulong ng hindi magibang tandem ng magkapatid na sina Jaja at Dindin Santiago.
