Putin, tutol sa mandatory vaccination

Tutol si Russian President Vladimir Putin sa mandatory COVID-19 vaccinations para sa mga mamayan ng Russia, ngunit hinimok niya ang populasyon na duda sa pagpapabakuna na magpaturok na sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban ng naturang bansa sa nakamamatay na third wave ng virus.

Inihayag ito ni Putin matapos maiulat ng Russia ang panibagong 669 na bagong COVID-19 deaths sa nakalipas na 24 oras.

Base sa datos ng Russia, ay ito na ang ikalawa sa magkasunod na araw na nagtala ito ng malaking bilang ng mga nasawi.

Mababatid na naobserbahan ng Russia noong kalagitnaan ng June ang pagsipa sa bilang ng infections sa third wave na idinulot ng mas nakahahawa na Delta variant na unang natukoy sa India.

Ayon sa mga otoridad, lumala ang sitwasyon dahil sa mabagal na vaccination drive.

Bagamat available na ang libreng bakuna noon pang December, ay sinabi ng Gogov website na nagrerehistro ng COVID-19 figures sa iba’t-ibang rehiyon, na tinatayang nasa 15% lamang ng kabuoang populasyon ng Russia ang nakatanggap pa lang ng one dose ng bakuna nitong Miyerkules.

Dahil sa mabagal na usad ng vaccination program ay inutos ni Moscow Mayor Sergei Sobyanin nitong June lamang ang mandatory na pagpapaturok ng service sector employees.

Agad naman ito tinutulan ni Putin ngunit sinabi niya  sa mga Russians na mahalagang makinig sila sa mga spesyalista at hindi sa mga tao na kakaunti lamang ang kaalaman ukol rito at mahilig magpakalat ng mga haka-haka.