Hindi kailangang mag-panic ng publiko sa naobserbahang pagtaas ng kaso ng COVID-19 hangga’t napapamahalaang mabuti ang mga ospital sa bansa.
Sa isang media forum, sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay 6% na mas mataas kumpara sa nakaraang linggo, na may average na 1,181 bagong kaso bawat araw.
Sa National Capital Region,sinabi niya na ang mga kaso ay 15% na mas mataas kaysa noong nakaraang linggo, na may average na 460 kaso bawat araw.

Sa kabila nito, sinabi niya na ang mga admission sa ospital sa lahat ng rehiyon ay may “low risk classification.”
Sa kasalukuyan, aniya, binabantayan lamang ng DOH ang rehiyon ng Bangsamoro na mayroong moderate-isk intensive care unit (ICU) utilization, dahil sa mas mababang bilang ng mga ICU beds.
Dahil malapit na ang Pasko, pinayuhan din ng Health official ang publiko na magsagawa ng holiday parties sa mga open space, at tiyaking walang sintomas ng COVID-19 ang mga dadalo.//CA